Etsa-Pwera
Ang Makabayan
Bilang Taga-Palakpak
ni Jun
Cruz Reyes
Kamakaila’y
lumabas sa mga dyaryo na kasama ang U.P. sa mga listahan ng eskwelahan
na terror prone. Na ang pinakamabisang panlaban daw sa terorismo
ay intelligence. Mukhang U.P. nga ang tinutukoy, dahil dito’y talagang
maraming terror, kaya maraming estudyante ang napapasama sa kategoryang
non-major. At talagang intelligence ang kailangan para mapaamo ang
mga terror.
Uso ngayon ang terminong terorista. Basta’t “pangit” na kagalit,
terorista na. Kung sa loob ng classroom iyon ginagamit, madaling
unawain, pero kung nagiging generic na katawagan na, na ang pinagmumulan
pa’y ang pambansang dispensasyon, mahalaga sigurong gumawa ng paglilinaw.
Una’y kanginong pananaw? Anong gamit? E kung slogan na lang, paano
na?
Tarantang-taranta ang pangulo ng bansa sa paggamit ng terminong
ito, tulad rin ng pagkataranta niya sa paghahanap ng imaheng babagay
sa kanya. Noo’y siya si Nora Aunor o Rio Locsin, may hawak na rosas
sa mga poster na ipinakalat niya. Nang maupo siya matapos ang impeachment,
ginaya naman niya ang kaniyang pinalitan. Siya ang babaeng Asiong
Salonga na nakamaong na jacket at pantalon. Ngayong nagpaparamdam
ng pagtakbo sa pinakamataas na posisyon ang hari ng pelikulang Pilipino,
gusto naman niyang maging Panday na nakahandang umubos sa lahat
ng kalaban. Terorista ang kanyang balak ubusin. Dahil may star complex
yata, gusto rin niya ng image na pang-international release. Ngayo’y
alalay siya ni Superman sa pelikulang The Tale of the Under-Bush.
Galit si Superman sa mga kalaban ng demokrasya. Dahil naubos na
ang mga mad scientist, ‘yung mga taga-planetang axis of evil naman
ang binabanatan. At may munting alalay si Superman, si Super Glo.
Anuman ang gawin ng amo’y ginagaya ng alalay. Pag sinabing sugod
mga alipores, sugod din agad siya.
Pero iba ang pelikula sa pulitika. Iba ang problema ng amo sa problema
ng alalay.
Terorismo ang
kalaban ni Superman kaya iyon rin ang kakalabanin ni Ate Glo. Magkaiba
ng uri ng terorista ang dalawa dahil magkaiba sila ng problema.
Iba ang kalagayan ng Amerika at iba rin dito sa atin. Halimbawa’y
sa kahulugan ng terorismo. Sa kasaysayan ng mundo, ang salitang
ito’y naging katawagan na sa lahat ng lumalaban sa mga mananakop,
bukod sa talagang kahulugan nito. Marami na iyong baryasyon. Noo’y
pagano yon o barbaro. Ibig sabihin lang ay may mga taong lumalaban,
pero hindi naman high tech, kaya laging natatalo. Sa paring Espanyol,
naging mga filibustero naman o kaya erehe ang kahulugan nito. Naging
mga brigand at lawless elements naman para sa mga Amerikano. Sa
kontemporaryong panahon, sang-ayon sa bokabularyo ng administrasyon/militar,
mga komunista at Muslim separatist iyon, na kasama na rin ng mga
ordinaryong kriminal. Sa generic na listahan ng mga terorista, kakatuwang
nakatala ang mga pangalan nina Rizal, Bonifacio, bilang mga erehe
at subersibo, (wala pang bayaning kinukunsidera sa mga lumaban sa
mga Amerikano), Juan Sumulong, Claro M. Recto, Jose W. Diokno at
Lorenzo Tanada bilang mga komunista,bukod pa sa napakaraming orihinal
na bayani. (Iba na rin ang pakahulugan ng salitang bayani sa kasalukuyang
bokabularyo. Basta dolyar ang kinikita at ipinadadala iyon sa Pilipinas,
bayani na.) Pansinin din na ang binansagang terorista ng mga Amerikano
ay nangangahulugan naman ng pagiging martir sa mga Palestino. Kaninong
bersyon ng terorismo ang totoo? Para ring pagtatanong na ano ang
depenisyon ng demokrasya sa punto de bista ng isang tuta, askal
man o pedigreed.
Ito ang halimbawa
ng tanong na sinong terorista? Pag anti-imperialist ka, terorista
ka na? Para ring kung makabayan ka’y komunista ka na. Kung pro-American
ka, hindi rin naman pwedeng sabihing pro-democracy na. Yung mga
nangungurakot sa gubyerno, kanino kakampi? Sinong nabibiktima nila?
Hindi ba sila ang mga tunay na terorista? Silang gumagastos ng milyon
maupo lamang sa katungkulan, kahit hindi naman mababawi sa sweldo
ang pinanggastos nila. Nakakita na ako ng halalan sa barangay na
ginastusan ng milyon. At walang sweldong inaasahan ang nanalo. Magkano
kaya ang halaga ng mas mataas na pwesto?
Si GMA, sa halip na maglinaw ay nakakadagdag pa sa kalituhan. Pinagsama
niya ang mga kriminal at terorista sa iisang kategorya. Ok lang
sugpuin ang mga kriminal, pero ang isama sa pangkalahatan, nagiging
marangal sila. Kinukopya lang naman kasi ni GMA ang listahan ni
Superman. May inilabas na listahan ng mga terorista ang gobyerno
ng Amerika. Kasama rito ang CPP/NPA/NDF, at kung masusunod pa rin
sila, isasama na rin ang MILF. Sang-ayon dito si GMA. Pag rebelde
ang kategorya ng mga ito, hindi kriminal/terorista. Ideolohiya ang
kanilang ipinaglalaban. Hindi pansariling kapakanan, ni bulsa. Hindi
sila nakikibaka para lamang kumita. At kung sila’y talagang mga
terorista, bakit nakikipag-negosasyon ang pamahalaan sa kanila?
May inihahanda na rin bang mga peace talks para sa mga organisadong
krimen?
Iba ang uri ng kriminal/terorista sa U.S. Doo’y mayroon silang mga
serial killer, serial rapist, arsonist at iba pa. Mga krimen iyong
sikolohikal ang ugat. Maraming sira-ulo sa kanila. Bihira ang mga
ganitong klase ng krimen sa bansa. Ang mga krimen dito’y mas may
kaugnayan sa ekonomya. Kung ang mga tabloid ang pagbabasehan, ang
mga kaso’y holdap, isnatsing, akyat-bahay, drug pushing, at mga
organisadong kidnap-for- ransom at carnapping. Ang mga krimeng ito
ay isang anyo ng hanap-buhay ng mga self employed na gustong kumita
sa kakaibang paraan.
Kung ayaw natin ng mga ganitong krimen, magbigay tayo ng mga opsyon
sa lehitimong hanap-buhay. Kung wala tayong maibigay, huwag tayong
magtaka kung bakit sila’y dumarami pa kahit araw-araw na may nahuhuli.
Iba ang kriminal at iba ang sinasabing terorista. Sa paggawa ng
krimen, buhay din ang nakataya, kapalit ng kabuhayan, malaki man
o maliit, depende sa ispesyalisasyon. Ang binansagang terorista’y
nagtataya rin ng buhay, pero hindi ito ang kanilang hanap-buhay.
Ang ideolohiya’y hindi tinatapatan ng pera. Ang namamatay sa labanan
ay walang natatanggap na pension ni medalya. Problema talaga ang
usapin sa peace and order, may nanggugulo lang at may naghahanap
ng totoong kapayapaan. Dalawang magkaibang problema na nilalapatan
ng iisang solusyon. Mas ginugulo ang problema, mas lumalabo ang
solusyon.
Sa pagsugpo ng problema ng terorismo at kriminalidad, ang solusyon
daw ay ang pagkakaroon ng pambansang I.D. system, at sa ilang bayan
nama’y ang pagpapatupad ng curfew para sa kabataan. Sa dami ng mga
tambay at walang trabaho, ewan ko kung anong bias ng I.D. Kung gagawin
naman itong parang sedula, wala pa ring silbi, dahil kahit sampung
sedula ay makakakuha, basta’t may pambayad ka. Pansinin din kung
sino ang mga tumatambay. Bakit hindi tumatambay ang mga mayayaman?
Sino ba ang may gusto sa pagtambay? Silang mga walang trabaho, walang
magandang magawa sa bahay. Hindi ang pagtambay ang problema. Ang
problema’y kung ano ang ipapagawa sa mga tambay. Curfew ang sagot
para sa mga batang tambay? Solusyon ba sa kawalan ng magagawa ang
papasukin sila sa loob ng bahay sa ngalan ng pambansang seguridad?
Saan papasok ang mga walang bahay? Tamang nilalayon ng curfew ang
pagdidisiplina sa mga batang tambay, pero hindi pa rin iyon nangangahulugan
na sila’y magiging mabuting mamamayan na. Sambayanan ng mabubuting
tambay? Tambay pa rin.
May iba pang teroristang nakikita ang mga plano sa Malacanang. Manaka-naka,
napapabalita ang pagsasagawa ng isa na namang coup d’etat. Plano
raw ito ng mga gustong manggulo sa sistema. Kakutsaba rin daw nito
ang ilang myembro ng civil society na hindi nasisiyahan sa administrasyon.
Pagsusuutin din ba sila ng I.D. at isasali na rin sa curfew? Parang
martial law na naman.
I.D. at curfew ang solusyon sa nawawalang trabaho? Ano man ang dahilan
ng gubyerno, ang maliwanag lamang ay may problema tayo. Kung ang
lahat ng kritiko ay ikakategoryang terorista, sino na ang hindi?
Kung ang lahat ng namumuroblema sa kabuhayan ay kalaban, sino na
ang kakampi? Baka kung mag-roll call, ang matira’y mga fans na lang
ni Ate Glo. Pag nangyari ‘yon, masaya na ang alalay ni Superman,
ewan nga lang kung papayag ang mga makabayang ayaw mabansagang terorista
na kumuha ng I.D. para maging myembro sa fans club nila. Ibang bersyun
na naman ang nasyonalismo, parang showbiz na talaga, laging taga-palakpak
na lang tayo.
|