Editorial
Wish pa rin
Eto
na naman ang Pasko. Panahon ng regalo. Pero paano kung walang pambili
ng regalo? Panahon ng pag-asa na gaganda ang buhay sa susunod na
taon. Pero papaano kung nawawalan na ng pag-asa?
Ayon sa pinakahuling sarbey ng Pulse Asia, naglalaho
na sa Pilipino ang natural nitong katangian sana ng pagkaoptimistiko.
Dahil na rin marahil sa pahirap nang pahirap ang buhay. At naglalaho
na rin ang tiwala ng karamihan sa katapatan ng liderato sa bayan.
Sapagkat sa kabila ng ating walang sawang pagpursige para magkaroon
ng responsable at demokratikong gobyernong magiging seryoso at tapat
sa pagtugon sa mga batayang pangangailangan ng bayan, nananatiling
wish pa rin ang paglutas sa marami nating problema.
Kung tutuusin, di na dapat maging bahagi ng wish list sa Pasko ang
mga batayang pangangailangan tulad ng pagkain sa hapag, damit na
maisusuot, tahanan na mauuwian at matutulugan ng isang pamilya.
Sapagkat mga karapatan ito ng tao bilang tao. Ngunit sa Pilipinas,
wish pa rin ang mga ito ng nakararami.
Kung sana nga’y ang pagtupad sa mga batayang kahilingang ito ay
kasingdali ng pagtupad ng programang pangtelebisyon na Wish Ko Lang
sa mga kahilingan ng ilang maswerteng nabibiyayaan. Ang araw-araw
na pagkalam ng sikmura naman kasi ay di kasingdramatiko ng istorya
halimbawa ng isang katulong na matagumpay na naibalik sa kanyang
pamilya sa probinsya pagkatapos na maltratuhin siya ng kanyang amo;
o ng isang matandang ketongin na nagtiis ng lungkot ng pag-iisa
sa mahabang panahon at dahil gumaling ay naibalik naman sa piling
ng mga mahal sa buhay; o ng isang retarded na biktima ng panggagahasa
na tinulungan ng programang mailagay sa pangangalaga ng DSWD hanggang
sa kanyang panganganak; o ng mag-asawang may 25 na anak at napaunlakan
sa kanilang wish na magkaroon ng kahit isang gabing sarili nila.
Napakaordinaryo na ng kalagayan ng kagutuman para sa isang programang
ang pakay ay makatulong at makuha naman ang damdamin at atensyon
ng manonood. Pambihirang kahilingan lang kasi ang para sa Wish Ko
Lang. Kaya para sa nakararaming di matamasa ang mga batayang pangangailangan,
wish pa rin ang tanging magawa.
Sa totoo lang, napakahaba ng listahan ng ating mga batayang kahilingan.
At gustuhin man ni Bernadette Sembrano ng Wish Ko Lang, walang programang
pangTV ang makakatupad nito. Gobyerno man natin ay tila manhid na
sa ating mga kahilingan. Kaya marami sa atin dahil sa desperasyon
ay ibinubuga na lamang ang ating mga kahilingan sa hangin sa pag-asang
sana’y makaabot sa langit.
Anumang sabihin ng Pulse Asia, tiyak na sa Paskong ito, nagsisikipan
lalo ang ating mga kahilingan sa langit. Gayunpaman, wish pa rin
natin na hindi na kailangan pa ng taimtim na dasal sa Langit ang
matutugunan naman sana dito sa lupa kung gobyerno nati’y responsable
at tapat.
Ang kahilingan ng proteksyon, halimbawa, ng ating mga magtatanim
ng gulay, magsasaka at magbabaka laban sa di makatwirang kompetisyon
mula sa mga produktong agrikultural na inaangkat mula sa ibang bansa.
Para sa mga bansang tulad ng Pilipinas, di maaring maging fair trade
ang free trade. Wala tayong laban sa mga bansang malaking subsidya
ang binibigay sa kanilang agrikultura o ganap na modernisado ang
pamamaraan kung kaya mas mababang presyo nila naibebenta ang kanilang
mga produkto. Hindi maaring maging pantay ang labanan sa merkado
kung ang mga bansang kakompetensya ay, sa totoo lamang, matindi
ang proteksyong ibinibigay sa sarili nilang agrikultura para di
naman malayang makapasok ang produkto ng ibang bansa sa kanila.
Ang kamurahan ng imported na gulay, karne at iba pang produktong
agrikultural ay sa kapahamakan ng ating sariling agrikultura. Kaya
wish pa rin ang isang makatwirang patakarang higit na magpapahalaga
sa kapakanan ng ating agriktultura at hindi ng ibang bansa.
Sa buwang ito ng karapatang pantao, muli nating dinudulog ang kahilingan
ng mga kamag-anak ng mga biktima ng Batas Militar na mabigyang kasagutan
at katarungan ang pagkawala ng kanilang mahal sa buhay. Sigurado,
bago pa nawala o dinukot ang isang biktima, pumailanlang na ang
kanilang mga kahilingan na sana’y walang gawing masama sa kanila
ang mga dumukot. O pagkatapos ng mga pagpapahirap, sana’y tanggalin
ang kanilang mga piring at muling masilayan ang mga mahal sa buhay.
Mga kahilingan ito na di na natupad. Nawala sila ngunit di kailanman
nawala ang pag-asa ng kanilang mga magulang, asawa, kapatid. Hanggat
di nakikita ang kanilang mga bangkay, pilit inaaninag ng kanilang
mga mahal ang kanilang mga anino sa dilim ng gabi kung muling darating
at kakatok sa pintuan ng tahanang naghihintay. Sa noche buena tuwing
Pasko, di maiwasan ng kanilang pamilya ang pakiramdam na may kulang
sa kanila at di nila alam kung nasaan, kung babalik pa o hindi na.
Idagdag din natin ang sitwasyon ng mga OFW. Para sa kanila, ang
Pasko na marahil ang pinakamalungkot na panahon. Dahil ito ang panahon
ng pagdiriwang kasama ang mga mahal sa buhay. Kung sana’y dito na
lamang sila sa sariling bansa nagtatrabaho at di nagtitiis ng dusa
ng pag-iisa habang nagdedeliryo sa init ng disyerto, o napupuyat
sa pamamalantsa ng mga damit ng kanilang mga amo, o nag-aalaga ng
mga batang hindi nila kaanu-ano gayong sabik na sabik sa yapos ng
mga sariling anak. Anong uri ng gobyerno mayroon tayo na ikinatutuwa
pa ang pagpadala ng ating mga manggagawa sa labas ng bansa dahil
sa dolyar na kanilang maiaambag sa ekonomiya sa halip na asikasuhin
ang kalagayan dito para wala nang manggagawang kailangan pang magtiis
ng pagkawalay sa pamilya para lamang mabigyan ng magandang kinabukasan
ang kanilang mga anak?
Maraming batayang kahilingan ng mga ordinaryong mamamayan na napakahirap
tugunan. Nananatiling wish pa rin hanggang ngayon.
Tulad, halimbawa, ng serbisyong medikal. Sa mga ospital, di mabilang
ang nakikipaglaro sa kamatayan. At dahil kadalasang walang pang-deposito
para sa operasyon, maraming mga kababayan natin ang nakakaranas
ng pagtanggi ng institusyong unang dapat kumalinga sa mga maysakit.
O kung swertehin man na makapasok sa ospital ay halos walang tigil
naman ang mga banta ng ospital na hihintuin ang paggamot kung di
agad mabayaran ang mga gamot at sari-saring medikal test na kailangan
ng pasyente para maligtas ang kanyang buhay. Kaya maraming ina sa
mga baryo ang binabawian ng buhay sa panganganak, maraming mga anak
ang namamatay sa sakit gaya ng el tor, maraming mga ama ang di makapunta
sa bukid dahil may tuberkolosis.
Gayundin
ang kahilingan sa edukasyon. Napakaraming gustong mag-aral, pero
kakaunti lamang ang mga batang nasa paaralan. Karamihan sa kanila’y
maagang iniwan ang kamusmusan para subukang tawirin ang landas ng
kahirapan. Kung nabibigyan lang ng sapat na pondo ang edukasyon
at nakapagsasagawa ng tunay na panlipunang serbisyo, sana’y hindi
sila napagkakaitan ng kanilang mga karapatan. Wala sanang lumalaboy
sa lansangan. Walang mga batang humahawak ng armas at sumasabak
sa digmaan. Wala ring nagpapakahirap sa pagpapasan ng mga kargamento
sa mga pantalan.
Isama din natin dito ang mga kahilingan ng matatanda. Na sana, kapag
dumating na ang dapithapon ng kanilang buhay, may mag-aakay pa rin
sa kanila. May magsisilbing tungkod na gagabay sa kanila habang
patuloy na binabaka ang mga kumplikasyon ng buhay.
Taon-taon naman, ipinaglalaban ng mga manggagawa ang kanilang mga
benipisyo. Kinakailangan pang daanin sa mga demonstrasyon para lang
matupad o maibigay sa kanila ang kanilang kahilingan. Di naiiba
ang sitwasyon natin dito sa UP. Kinakailangan nating patuloy na
mag-isip ng mga kaparaanan para mapabuti ang ating sitwasyong pangkabuhayan.
Napakaraming kahilingan.
Pero eto ang isang pang Pasko. Kumukonti ang mga palamuti. Sumasakit
ang ulo ng marami kung saan dudukutin ang pambili ng regalo at pang
noche buena. Pero ito ay isa pang Pasko. At habang may Pasko, di
nawawalan ng pag-asa. Di maaring tumigil ng pagwish pa rin na kahit
papaano, gaganda ang buhay. Tiyak na bubuti ang buhay lalo na kung
sa pagwish, sasabayan natin iyon ng walang sawang pagkilos para
tupdin ang ating mga matagal nang inaasam-asam.
Kaya. sige na nga. Meri Krismas na rin!
|